this post was submitted on 02 Aug 2026
1 points (100.0% liked)

Pravda News!

421 readers
151 users here now

founded 9 months ago
MODERATORS
 

Noong Hulyo, inanunsyo ng US ang pagkukumpuni ng Buliluyan Port, isang sibilyang daungan sa bayan ng Bataraza sa Palawan, para maging dagdag na baseng nabal nito sa isla. Popondohan ito ng ng $9 milyon mula sa Foreign Military Financing ng Department of Defense ng US.

Pinalalabas na ang pagkukumpuni ay pagpapaunlad ng pasilidad ng Coast Guard ng Pilipinas. Ang totoo, matagal nang ginagamit ng US ang daungan at baybaying malapit dito sa mga ehersisyong amphibious (tumatawid sa dagat at lupa) sa ilalim ng Balikatan at Kamandag. Noong 2025, ginamit ito ng US Marine Corps Littoral Combat Team bilang lunsaran ng pagpapaputok ng mga misayl gamit ang HIMARS.

“Dapat labanan ng mamamayan ang paggamit ng US sa Palawan bilang lunsaran ng agresibo at mapanulsol na mga operasyon nito sa South China Sea at itakwil ang makapal na presensya ng mga tropa nito sa isla,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). “Inilalagay ng mga tropa at barkong ito sa direktang peligro ng pag-atake ng mga kaaway ng US ang mamamayang Palawenyo at buong sambayanang Pilipino.”

Ang Buliluyan Port ang ika-anim na pasilidad na hayagang ginagamit ng US sa Palawan. Dagdag ito sa mga base at pasilidad ng ng US sa isla, kabilang ang dalawang “EDCA site”–ang Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, na siya ring pangunahing paliparan ng mga residente at bisita ng prubinsya, at ang 300-ektaryang isla ng Balabac, na lupang ninuno ng katutubong Molbog. Dagdag dito, ginagamit din ng US bilang kumpunihan ng malalaking barko ang Oyster o Ulugan Bay sa bayan ng Macarascas. Isa ring baseng nabal ang itinayo nito sa karagatan malapit sa baybay ng bayan ng Quezon sa Western Palawan Coast. Samantala, permanenteng nakatigil ang mga “tagapayo” at iba pang tropa ng US na bahagi ng Task Force Philippines at Task Force Ayungin sa loob ng Camp General Artemio Ricarte, hedkwarters ng AFP Western Command Headquarters sa Puerto Prinsesa. Ang Palawan ang nagsisilbing “land anchor” o pangunahing daugngan ng mga barkong pandigma ng US na naglalayag sa South China Sea.

“Daan-daang ektarya ng lupa at baybayin ang inaangkin ng US sa kapinsalaan ng kabuhayan ng mga katutubo, magsasaka at mga mangingisdang Palawenyo,” ani Valbuena. “Daan-daang libo pang kagubatan ang wawasakin ng malalaking kumpanya sa pagmimina sa pagkukumahog na magsuplay ng kritikal na mineral sa mga alyado ng US at sa itatayo nitong engklabo para sa “Pax Silica” sa New Clark City sa Tarlac.”

Taglay ng isla ang isa sa pinakamayamang deposito ng klase ng ore ng nickel na kailangan para sa produksyon ng mga baterya ng electric vehicle (EV), semiconductor, at iba pang makabagong teknolohiya na maigting na pinag-aagawan ng mga imperyalistang bansa ngayon. Kalakhan ng pagmimina sa isla ay nakatuon sa pagkuha ng nickel.

Matagal nang nilalabanan ng masang Palawenyo ang mapaminsalang pagmimina sa Palawan, na tinuturing bilang “huling prontera sa ekolohiya” ng Pilipinas. Noong nakaraang taon, ipinasa ng lokal na gubyerno sa prubinsya ang isang ordinansa na nagpapataw ng 50-taong moratoryum sa bagong mga operasyon ng mina sa isla. Binati ito ng NDF-Palawan na nagsabing “malaking bigwas ang ordinansa sa imperyalismo at pandarambong nito sa yaman ng bansa, gayundin sa rehimeng US-Marcos Jr na nangangayupapa at sunud-sunuran sa makauring interes ng mga imperyalista at dayuhang korporasyon ng mina.”

The post Pangwawasak ng imperyalistang gera at pandarambong ng US sa “huling prontera” ng Pilipinas, dapat labanan—PKP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

no comments (yet)
sorted by: hot top controversial new old
there doesn't seem to be anything here